PAG-ABUSO SA INIRERESETANG PAINKILLER
Habang ang paggamit sa maraming street drugs (mga drogang makukuha sa kalye) ay nasa bahagyang pagbaba sa Estados Unidos, ang pag-abuso sa inireresetang mga droga ay tumataas. Noong 2007, 2.5 milyong Amerikano ang umabuso sa inireresetang mga droga sa unang pagkakataon, kumpara sa 2.1 milyong gumamit ng marijuana sa unang pagkakataon.
Sa mga kabataan, ang inireresetang mga droga ang pinaka-karaniwang ginagamit na mga droga sunod sa marijuana, at halos kalahati ng mga kabataang umaabuso ng inireresetang mga droga ay gumagamit ng mga painkiller.
Bakit napakaraming taong bumabaling sa inireresetang mga droga para maging high?
Batay sa sarbey, halos 50% ng mga kabataan ang naniniwalang ang paggamit ng inireresetang mga droga ay mas ligtas kaysa paggamit ng ilegal na mga drogang makukuha sa kalye (street drugs).
Ang hindi alam ng karamihan sa mga kabataang ito ay ang panganib na sinusuong nila sa paggamit ng malalakas at nakakapagbago ng isip na mga droga. Ang matagalang paggamit ng mga painkiller ay maaaring humantong sa pag-asa sa droga, kahit na para sa mga taong niresetahan ng mga ito para makatulong sa medikal na kondisyon ngunit hindi maglalaon ay mahuhulog sa bitag ng pang-aabuso at adiksyon.
Sa ilang kaso, ang mga panganib ng mga painkiller ay hindi pumapaibabaw hanggang sa huling-huli na. Noong 2007, halimbawa, ang pag-abuso sa painkiller na Fentanyl ay pumatay ng higit pa sa 1,000 tao. Ang droga ay natagpuang 30 hanggang 50 beses na mas malakas kaysa sa heroin.